Ang Lutang na Mangingibig
Jen Macapagal
Sa mga ganitong pagkakataon na wala akong magawa kundi ang umupo lang at manigarilyo ay madalas na sumagi sa isip ko si Ross. Dahan-dahang papasok sa lutang kong isipan ang mga alaala niyang matagal nang nakaimbak sa bodega ng mga kalungkutan at kasawian ko sa linsyak na buhay na ito. Hanggang sa makatulugan ko ang naghihimagsik kong sikmura at tangang yosi. Ross? Ni hindi nga iyon ang tunay niyang pangalan. Ano ba ang malay ko kung ano ang pangalan ng lalaking iyon na minsan ko lang nakita at ni wala pang isang oras kong nakasama. Ni hindi nga kami nakapagsalita ng “hi”, “hello”, o “nice shirt” sa isa’t-isa. At kung anu-ano pang ni. Baka naman nahihibang lang ako at wala naman talagang nangyaring ganoon? Na hindi naman talaga ako nagpunta sa Terry’s sa Visayas Avenue noong October 24, 2008, araw ng Biyernes? Pero duda akong hindi ‘yon nangyari. Wala siyang pangalan pero sariwang-sariwa sa isip ko ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon na nakatitig lang ako sa kaniya at inaaral na mabuti ang maamo niyang mukha. Agad ay nasabi ko sa sarili ko na itong taong ito ang gusto kong makasama sa habambuhay. Na kahit na si GMA na naman ulit ang pangulo ng bansa ay ayos lang basta’t katabi ko siya at kahawak ng kamay. Hay, Diyos ko. Napakabaduy talaga ng bokadura ng isang taong umiibig. Tuwing maiisip kong hindi ito nangyari ay parang gusto kong magwala at pahirin ang mga luha sa pisngi ko. Pero wala naman palang luha, hindi naman pala ako umiiyak. Bakit ba parating parang guni-guni lang ang lahat? Ganito rin kaya ang nararamdaman ng mga taong tulad ko? O nag-iisa lang akong ganito? Gusto kong bigla na lang tumakbo palabas ng bahay. Basta tatakbo na lang agad ako. Hindi ko na iintindihin kung may suot ba akong bra o wala. Hindi ko na rin aalalahanin kung wala man akong sapin sa paa. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Bahala na kung saan abutin ng pagod at antok.
Panay ang tingin ko sa kaniya. Nasa iisang mesa kami. Magkatapat, magkaharap sa inuman. Hindi ko na maalala kung ba’t hindi kami naipakilala sa isa’t-isa. O baka hindi ko lang inintindi ang pangalan niya. Ewan, wala akong alam. Panay rin ang tingin niya sa akin. At hanggang sa ang tingin ay naging titig na. Sinipa niya nang marahan ang paa ko. Ganoon rin ang iginanti ko. Ganoon lang. Ni ha, ni ho ay wala. Pero alam kong nagkakaintindihan kami. Sa bawat marahang pagsipa niya sa paa ko ay tila pagsasabing, “Pasensya na, hindi kasi talaga pwede. Tingnan natin sa ibang panahon at mundo, baka doon ay pwede na.” Putang ina, gusto ko ngayon!
Titigan, marahang sipaan. Ganito na lang ba hanggang sa matunaw ako dito sa kinauupuan ko? Ano kaya kung pumunta tayo sa motel at doon tayo magkakilanlan? Dumukwang siya at pinisil ang kamay ko. Mabilis lang. Mahigpit. Parang madudurog. Pero hindi ang mga buto nito, kundi ang puso ko. Nabasa niya ang nararamdaman ko. Ganoon rin kaya ang naramdaman niya para sa akin ngunit kinailangan niya ‘yong labanan? Kung oo, nakapanghihinayang ang pagkakataon. Tumayo siya at may nilapitang babae. Matandang babae, teenager na babae, batang babae, sanggol na babae. Ewan, hindi ko alam kung alin sa mga ‘yan. Hindi ko na kasi inintindi. Basta babae. Sinasabi ko na nga ba na tama ang kutob ko. Muli na naman kaming nagtagpo ni Kabiguan. Tumayo na rin ako. Sapat na ang ginawa niyang pagpisil sa kamay ko. Iyon na ang pagpapahiwatig ng katapusan ng bagay na wala naman, na hindi naman nabuo. Lumabas ako ng lugar na ‘yon na wala sa sarili. Pumara at sumakay ako ng dyip na wala sa sarili. Umupo ako sa pinakadulo at tumingin sa malayo.
“Bayad po”, pakisuyo ko. Iyon pala’y yosi ang iniaabot ko.
Jen is a Philippine Media Studies in DLSU-M. She enjoys smoking, hanging out, Philippine culture, and general states of stasis.
-
dzejdzej123 liked this
-
wakameeeeeeeeeee liked this
-
cotorotom liked this
-
tauren21 liked this
-
wakamii liked this
-
wojtass liked this
-
getting-to-happy liked this
-
redhotchilipepe liked this
-
margoism reblogged this from thenewdentists
-
margoism liked this
-
thenewdentists posted this