Pusong Pusa

Gabriel Angelo Sanchez

Balot na balot ng kaba ang pusa habang naghihintay ito sa tapat ng bahay ng kanyang mahal na si Cheng. Hindi mapalagay ang pusa habang paulit-ulit nitong naririnig ang bawat pintig ng kanyang puso dahil sa pinaghalong pananabik at takot sa kanyang gagawin. Hindi mapakali ang pusa, palakad lakad, patalon-talon, paikot-ikot sa harap ng bahay ni Cheng.

“Bakit kaya wala pa si Cheng? Dapat nandito na siya ng ganitong oras ah,” sabi ng pusa sa kanyang sarili.

Lumipas pa ang ilang minuto at naaninag na ng pusa ang anino ng isang babaeng nakauniporme mula sa kanto na naglalakad patungo sa direksyon nya. Walang duda, dumating na nga ang pagkakataong hinihintay niya—dumating na si Cheng.

Habang unti-unting lumalapit si Cheng sa kinatatayuan niya, unti-unti ring bumabalik sa pusa ang mga ala-ala ng kanilang unang pagtatagpo ni Cheng…

Isa lamang siyang normal na pusang kalye, at gaya ng lahat ng pusang kalye, wala siyang pangalan. Patakbo-takbo lang, nagaabang ng basurang makukuhanan ng makakain, walang permanenteng tirahan. Sabi sa kanya ng mga kaibigan nyang pusang kalye NPA daw ang tawag ng mga tao sa mga walang matirhan katulad nila—no permanent address. Hindi naman talaga ito naintindihan ng pusa pero nakitawa na lamang ito sa biro ng kaibigan niyang pusa. Umiikot ang araw ng pusa sa paghahanap ng makakain, maswerte kung may matiyempohang daga pero sa lugar tulad ng Maynila. Bihira ang daga na naglalakad sa kahabaan ng Dapitan.

Hindi na naabutan ng pusa ang mga magulang niya. Ang kwento sa kanya, napagtripan daw ng mga lasenggo ang nanay at tatay niya. Matapos daw sipasipain, isinilid sa sako at itinapon sa Manila Bay. Nabuhay na lamang ang pusa na nakikihalubilo sa mga iba pang pusang kalye. Maagang natutong mabuhay magisa ang pusa ngunit paminsan-minsan nangungulila pa rin ito.

Isang araw habang naglalakad ang pusa may nakita itong isang babae. Medyo chubby pero hindi mukhang mataba. Makinis at maputi rin ang babae, halatang malinis sa katawan. Tama lang ang taas ng babae hindi maliit pero hindi rin naman sobrang laki. Bilugan ang mukha ng babae, hindi na nga gaano maaninag ang baba nito, hindi katangusan ang ilong. Ngunit nabighani ang pusa sa mga mata ng babae. Hugis dahon ang mga mata nito at tila ba’y punong puno ng saya, malaki ang itim sa gitna kaya’t kitang kita ang ganda nito. Lalapit na sana ang pusa ng biglang may tumawag sa babae:

“Cheng! Pakainin mo na si Jet! Tahol na ng tahol!”

“Opo, sandal lang mama,” sabi ng babae.

“Cheng pala ang pangalan niya,” sambit ng pusa sa sarili niya

Dahan-dahang naglakad palayo ang pusa at naaninag ang isang maliit ngunit punong-puno ng kasiyahang ngiti mula sa mga labi nito.

Mula noon, araw-araw nang tumatambay ang ligaw na pusa sa labas ng bintana ni Cheng. Madalas rin niyang makita si Cheng na nakikipaglaro sa aso niyang si Jet.

Asong kalye lang si Jet. Matanda na kaya hindi na rin gaano masigla. Madalas kinukulit lang siya ni Cheng kahit parang tamad na tamad na siyang gumalaw. Hindi makalapit ang pusa kay Cheng dahil kay Jet. Natatakot kasi siya. Minsan pakiramdam niya hindi rin sya magugustuhan ni Cheng dahil pusa siya.

Isang araw nakita ng pusa si Cheng na umiiyak. Hindi maipaliwanag ng pusa ang kanyang naramdaman. Pakiramdam niya ay wala siyang silbi habang pinapanood niyang humahagulgol si Cheng sa kanyang ina.

“Mama, patay na si Jet.”

“Anak, ganyan talaga. Matanda na rin naman kasi si Jet”

Hindi naiwasan ng pusa na malungkot para sa babaeng mahal niya. Parang may kumukurot sa puso niya tuwing humihikbi si Cheng. Hindi malaman ng pusa ang gagawin.

“Pano ko kaya mapapagaan ang loob niya? Pusa lang ako.”

Umalis na ang pusa dahil hindi nito makayang makitang umiiyak si Cheng habang siya ay walang magawa. May namuong puot sa damdamin ng pusa, ayaw na niyang maging pusa dahil kahit anong meow niya hindi nito maiibsan ang sakit na naidulot ng tahol na naglaho sa buhay ni Cheng. Mula noon, isang pagtataksil ang sumibol sa isipan ng pusa, isang pagtataksil sa kanyang pagkahayop—ninais niyang maging aso.

Araw-araw nag ensayong maging aso ang pusa. Mula sa pagtahol, pagihi ng nakataas ang paa, pagkain ng buto, at pati narin sa pakikitungo niya sa mga kapwa pusa. Buo na talaga ang loob ng pusa na isugal ang lahat, maging ang pagkahayop niya, para sa pagkakataong mapaligaya si Cheng.

Unti unti nang nawawala ang sariling hindi na lubusan pang nakilala ng pusa. Alam niyang isang bagong pagkahayop na ang pilit niyang isasabuhay mag mula sa araw na ito. Wala nang atrasan.

Noon pa man hindi na talaga mahilig makihalubilo ang pusa sa mga kapwa pusa nito. Mas gusto na nito ang manood sa mga ginagawa ng mga tao kesa makipag laro sa mga kasamahang pusa. Mapapansin na lalong siyang iniwasan ng mga kasamahan niyang pusa. 

“Hindi ko kayo kailangan. Ang mahalaga sakin mapasaya ko si Cheng. Wala akong pakialam kung pabayaan niyo na akong lahat. Kaya kong magisa basta’t nandiyan si Cheng!” sigaw ng pusa na halatang-halatang tinitiis lang ang sakit na dulot ng pinili niyang landas.

Sa wakas! Nagbunga na rin ang paghihirap ng pusa. Mabigat na ang kanyang mga yabag, malakas na siyang tumahol, kumakain na siya ng buto, umiihi na siya ng nakataas ang paa… galit na siya sa pusa. Tuluyan nang nawala ang bakas ng kanyang pagkapusa. Handa na siyang harapin ang babaeng pinakamamahal niya; handa na siyang ibalik ang tahol sa buhay ni Cheng.

Nagtungo na ang pusa sa harap ng bahay nina Cheng. Doon siya matyagang nagantay sa paguwi ng dalaga mula sa iskwela. Di makapaniwala ang pusa. Totoo na ito. Magaganap na ang eksenang paulit-ulit na tumatakbo sa isipan niya mula nung una niyang makita si Cheng: sa wakas malalapitan na niya ito. Maipaparamdam na niya ang matagal na niyang nais iparamdam.

Balot na balot ng kaba ang pusa habang naghihintay ito sa tapat ng bahay ng kanyang mahal. Hindi mapalagay ang pusa habang paulit-ulit nitong naririnig ang bawat pintig ng kanyang puso dahil sa pinaghalong pananabik at takot sa kanyang gagawin. Hindi mapakali ang pusa, palakad lakad ito, paikot ikot sa labas ng bahay .

Lumipas pa ang ilang minuto at naaninag na ng pusa ang anino ng isang babaeng nakauniporme mula sa kanto na naglalakad patungo sa direksyon nya. Walang duda, dumating na nga ang pagkakataong hinihintay niya—dumating na si Cheng.

Tumigil sa paglalakad si Cheng at sila ay nagkatinginan sa mata ng pusa. Parang tumigil ang mundo. Natuyo ang lalamunan ng pusa. Nakalimutan nito ang mga bagay na matagal niyang inensayo. Hindi siya makagalaw. Mapapansin sa mata ni Cheng ang pagtataka sa nakitang tila ninigas na pusa na nakaharang sa gate nila. Sandaling tumigil ang dalaga na para bang pilit bumubuo ng paliwanag sa sarili kung bakit nandoon ang pusa. Ilang sandali pa, tumuloy na sa paglalakad ang dalaga.

Hindi parin makagalaw ang pusa, tuyo parin ang lalamunan, hindi pa rin niya maalala kung pano tumahol. Ilang pulgada na lang ay nasa loob na ng gate si Cheng. Inipon ng pusa ang lahat ng kanyang lakas at siya ay tumahol ng buong lakas:

“ARF!!! ARF!!! ARF!!!”

Biglang napalingon ang dalaga, halatang punong-puno ng pagtataka ang mga magaganda nitong mga mata dahil sa nakita at narining—isang pusang kalyeng tumatahol. Ngumiti ang babae ngunit ito ay tumalikod at iniwan ang pusa.

“ARF!!! ARF!!! ARF!!!” tahol muli ng pusa ngunit siya ay hindi na pinapansin ng dalagang kanyang iniibig

“ARF!!! ARF!!! ARF!!!” tahol muli ng pusa

“ARF!!! ARF!!! ARF!!!” at muli pang tahol ng pusa ngunit patuloy lamang sa paglalakad ang dalaga na para bang walang naririnig.

Nagpasya ang pusa na sundan na si Cheng papasok sa loob ng bahay. Tumakbo itong parang asong ulol papasok sa bakuran nina Cheng ngunit dali dali siyang pinagsaran ng dalaga. Gumuho ang mundo ng pusa. Hindi niya matanggap na ayaw sa kanya ng dalagang kanyang iniibig. Hindi na napigilan ng pusa na tumulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata habang naglalakad papalayo sa bahay nina Cheng. Parang isang asong umalulong ang pusa sa bintana ng dalaga. Pilit inilalabas lahat ng sakit, pilit inilalabas lahat ng pait.

Umaga nanaman. Pagtakbo-takbo, pagtalon-talon, at paghahanap nanaman ng pagkain ang inatupag ng pusa. Ngunit pag sapit ng gabi, maririnig ang isang matinis na alulong sa lansangan ng Sobriedad sa Maynila. 

Gabriel is an incoming 4th year AB Philosophy student at the University of Santo Tomas. He writes essays and non-fiction about almost everything. He usually writes about ethical evaluations that might or might not be apparent.

  1. prekprek reblogged this from ishouldgetalife
  2. ishouldgetalife reblogged this from thenewdentists and added:
    Woah! They actually published it. Thanks The New Dentists
  3. thenewdentists posted this