Ang Lutang na Mangingibig
Jen Macapagal
Sa mga ganitong pagkakataon na wala akong magawa kundi ang umupo lang at manigarilyo ay madalas na sumagi sa isip ko si Ross. Dahan-dahang papasok sa lutang kong isipan ang mga alaala niyang matagal nang nakaimbak sa bodega ng mga kalungkutan at kasawian ko sa linsyak na buhay na ito. Hanggang sa makatulugan ko ang naghihimagsik kong sikmura at tangang yosi. Ross? Ni hindi nga iyon ang tunay niyang pangalan. Ano ba ang malay ko kung ano ang pangalan ng lalaking iyon na minsan ko lang nakita at ni wala pang isang oras kong nakasama. Ni hindi nga kami nakapagsalita ng “hi”, “hello”, o “nice shirt” sa isa’t-isa. At kung anu-ano pang ni. Baka naman nahihibang lang ako at wala naman talagang nangyaring ganoon? Na hindi naman talaga ako nagpunta sa Terry’s sa Visayas Avenue noong October 24, 2008, araw ng Biyernes? Pero duda akong hindi ‘yon nangyari. Wala siyang pangalan pero sariwang-sariwa sa isip ko ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon na nakatitig lang ako sa kaniya at inaaral na mabuti ang maamo niyang mukha. Agad ay nasabi ko sa sarili ko na itong taong ito ang gusto kong makasama sa habambuhay. Na kahit na si GMA na naman ulit ang pangulo ng bansa ay ayos lang basta’t katabi ko siya at kahawak ng kamay. Hay, Diyos ko.